#Halalan2019: Do NOT Vote List

In just two days, the Philippines is voting in the senatorial and local elections. But before you choose which twelve senators you are electing in the government, here are the candidates that do NOT deserve your vote. Here is The Filipina Feminists' #Halalan2019: Do NOT Vote List.


Note: This post is written in Filipino.


Bilang mga mamamayan ng isang demokratikong bansa, isa sa mga karapatang ating tinatamasa ay ang karapatang bumoto. Nasa atin ang kapangyarihan na ihalal ang mga pinuno ng ating gobyerno. Kaya naman sana ay ating gamitin ang karapatang ito ngayong darating na Mayo 13, 2019 upang maghalal ng mga kandidatong karapat-dapat at may dignidad sa pwesto. Pumili tayo ng mga taong hindi lamang pera, kapangyarihan, at estado ang motibo para maging opisyal. Lalo na sa pagpili ng ibobotong senador, isipin natin kung sino ang hindi makasarili ang layunin sa pagtakbo.


Pero hindi namin sasabihin sa inyo kung sino ang dapat bilugan sa balota. Naniniwala kaming may kakayahan pa rin ang mga Pilipinong mag-isip, magsiyasat, at magpasya ng makakabuti para sa bayan. Sa halip, ating pangalanan ang mga kandidato na HINDI karapat-dapat maging senador ng Pilipinas. Bago tayo pumili ng 12 senador na susuportahan, tanggalin na natin ang mga pangalang ito sa listahan.


Ito ang aming #Halalan2019: Do NOT vote list.

Imee Marcos

Si Imee Marcos ay anak ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. na nagdeklara ng Martial Law noong 1972. Sa pagkapangulo ng kanyang ama, libo-libong paglabag sa karapatang pantao ang naganap. Maraming mamamayang Pilipino ang naabuso at napatay sa kamay ng mga pulis at militar. Lumobo din ang utang ng Pilipinas sa ilalim ng pamahalaang Marcos, mula $600milyon noong 1965 hanggang $26bilyon noong 1986. Sa ibang salita, nagkaron ng 4300% na pagtaas sa utang ng Pilipinas! Ito ay salungat sa mga nagsasabing umunlad daw ang ekonomiya ng Pilipinas nang dahil sa Martial Law.


Ang mga Marcos ay nakinabang din sa diktadurya ni Ferdinand Sr. Nakapagnakaw ang kanilang pamilya ng tinatayang $5bilyon hanggang $10bilyon mula sa kaban ng bayan. Kailan lang ay pinatawan si Imelda Marcos ng hatol na guilty sa pitong kaso ng graft laban sa kanya at kanyang asawa kaugnay sa kanilang mga ilegal na gawain noong panahon ng Martial Law.


Maaaring sabihin na si Imee Marcos ay hindi dapat pagbayarin sa kasalanan ng kanyang ama. Ngunit siya ay patuloy na naninindigan na ang kanyang mga magulang ay walang sala. Siya at ang kanyang kapatid na si Bongbong Marcos ay patuloy na itinatanggi ang perang ninakaw ng kanilang pamilya at ang mga paglabag sa karapatang pantao na nangyari noong Martial Law. Hindi sila kailanman nagpakita ng pagsisisi o nagbigay ng tunay na paumanhin sa mga mamamayang Pilipino.

Sa halip, patuloy silang nagsisinungaling sa bayan. Ilan lamang ang mga sumusunod sa mga kasinungalingan ni Imee Marcos:

  • Si Imee Marcos ay hindi nagtapos na valedictorian sa Santa Catalina Boarding School sa California. Sa katunayan, siya ay hindi nagtapos ng high school sa paaralang ito.

  • Si Imee Marcos ay hindi nagtapos sa Princeton University. Siya ay nag-enroll sa pamantasan pero walang natapos na degree.

  • Si Imee Marcos ay hindi nagkamit ng MA Management and Business Administration mula sa Asian Institute of Management. Walang ganitong master's degree sa institusyong ito.

  • Si Imee Marcos ay hindi nagtapos ng law mula sa Unibersidad ng Pilipinas. Siya ay dumalo sa graduation ceremony pero hindi siya kabilang sa mga binigyan ng diploma.

Pilipinas, bakit tayo maghahalal ng kandidatong paulit-ulit na nagsisinungaling sa ating lahat? Napatunayan na ni Imee Marcos at ng kanyang pamilya na hindi sila dapat pagkatiwalaan. Sa darating na #Halalan2019, HUWAG iboto si Imee Marcos!


Larry Gadon

Si Larry Gadon ay isang Marcos loyalist at apologist na naging viral matapos tawaging "bobo" at pagmumurahin ang mga sumalubong sa kanyang nagpo-protesta sa Baguio.

Gusto ba natin ng ganitong tao sa senado?

Pork Barrel Scam

Tatlo sa mga tumatakbo sa pagka-senador ang nasangkot sa pork barrel scam kung saan tinatayang P10bilyon ang ninakaw mula sa kaban ng bayan sa loob ng 10 taon.


Ano ang pork barrel scam?

Ayon sa Supreme Court, ang Pork Barrel System ay ang:

...collective body of rules and practices that govern the manner by which the lump-sum discretionary funds primarily intended for local projects are utilized through the respective participations of the branches of the government including its members.

(...kabuuang pangkat ng mga panuntunan at kasanayan na namamahala sa paraan kung saan ang mga "lump-sum discretionary funds" na nakalaan para sa mga lokal na proyekto ay ginagamit ng iba't-ibang sangay ng gobyerno at ng mga miyembro nito.)


Ang "lump-sum discretionary funds" na tinutukoy dito ay ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na kasama sa taunang national budget ng Pilipinas. Kada taon, may nakalaang P200milyon para sa bawat senador at P70milyon para sa bawat kongresista sa ilalim ng PDAF. Ang mga senador at kongresista ang magdedesisyon kung paano gagamitin ang budget na nakalaan para sa kanila.


Noong 2013, nagsimula ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa pagnanakaw ng ilang mga opisyal mula sa PDAF pagkatapos tumestigo ang anim na whistleblowers. Naging kilala bilang pork barrel scam, 5 senador at 23 miyembro ng House of Representatives ang tinukoy na sangkot sa kaso ng corruption na ito.


(Basahin: Inquirer Special Report: Napoles and the Pork Barrel Scam.)


Sino ang mga kandidatong sangkot dito?

Ngayong #Halalan2019, tatlong kandidato sa pagka-senador ang sangkot sa pork barrel scam. Sila ay sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada, at Juan Ponce Enrile.


Bong Revilla

Si Ramon "Bong" Revilla Jr. ay sumikat sa Pilipinas bilang isang artista noong 1980s hanggang 2000s. Pumasok siya sa politika noong 1995 bilang bise-gobernador ng Cavite. Noong 2004, ang kanyang ama na si Ramon Revilla Sr. ay napilitang magretiro bilang senador pagkatapos ng dalawang magkasunod na termino. Sa pag-alis sa pwesto ng kanyang ama, si Bong Revilla ay tumakbo bilang senador at nanalo.


Ngunit noong 2013, siya ay nasangkot sa pork barrel scam kung saan siya ay nakapagnakaw ng tinatayang P224.5milyon gamit ang PDAF. Ayon sa imbestigasyon ng NBI, hinayaan nyang gamitin sa pork barrel scam ang kanyang PDAF ng 22 beses habang siya ay senador. Siya ay sumuko at ikinulong noong 2014.


Pagkatapos ng apat na taon na pagkakakulong, hinatulan ng Sandiganbayan si Bong Revilla na walang sala sa kasong plunder dahil di-umano sa kakulangan ng ebidensya. Ngunit siya ay nahaharap pa rin sa 16 na kaso ng graft at inatasan ng anti-graft court na magbalik ng P124.5milyon sa Philippine Treasury.


Jinggoy Estrada

Si Jinggoy Estrada ay anak ng dating pangulong Joseph Estrada na napatalsik sa pwesto pagkatapos ng EDSA People Power Revolution II. Nagsimula ang kanyang buhay-politika nang siya ay nanalong mayor ng San Juan City noong 1992. Naglingkod siya ng tatlong magkasunod na termino sa pagka-alkalde bago siya tumakbo at nanalong senador noong 2004.


Isa si Jinggoy Estrada sa limang senador na sangkot sa pork barrel scam. Ayon sa report, 18 beses ginamit ni Jinggoy Estrada ang kanyang PDAF para sa mga ilegal na gawain. Nakapagnakaw siya ng tinatayang P183.8milyon dahil dito. Siya ay inaresto at ikinulong noong 2014 pero siya ay nakalaya sa kulungan noong 2017 pagkatapos magbayad ng P1.33milyon na piyansa.


Juan Ponce Enrile

Ginamit ni Juan Ponce Enrile ng 21 beses ang kanyang PDAF para sa mga ilegal na gawain. Nakapagnakaw siya ng tinatayang P172.8milyon dahil dito. Noong 2014, siya ay ikinulong kaugnay sa kasong plunder at 15 kaso ng graft. Pagkalipas ng isang taon, siya ay nakalaya pagkatapos magbayad ng P1.45milyon na piyansa.


Bukod sa pork barrel scam, Si Juan Ponce Enrile ay kilalang kaibigan ng mga Marcos. Sa katunayan, siya ay nagsilbi bilang Justice Secretary at Defense Secretary noong panahon ni Ferdinand Marcos. Katulad ng pamilya ng diktador, patuloy ang pagsisinungaling ni Enrile tungkol sa mga naganap noong Martial Law. Ilan sa mga kasinungalingan nya ay ang sumusunod:


Enrile: Hindi totoong may 70,000 ang inaresto noong panahon ni Marcos.

Katotohanan: Sa unang tatlong taon pa lamang ng Martial Law, 50,000 na agad ang inaresto ng walang paratang o pagdinig. Marami rin ang inabuso habang sila ay nakakulong.


Enrile: Walang malawakang pagpatay na naganap noong Martial Law.

Katotohanan: Hindi bababa sa dalawang massacre ang nangyari sa panahon ni Marcos at pareho itong naganap sa Mindanao laban sa mga kababayan nating Muslim. Ang Palimbang/Malisbong massacre ay kumitil ng buhay ng 1,500 kalalakihang Moro. Hinuli at pinagsamantalahan naman ang mga kababaihan. Sinunog at sinira din ang 300 bahay. Samantala, 27 kabataang Tausug ang pinatay sa Jabidah massacre.


Pork Barrel Scam TL;DR

  • Tatlo sa tumatakbong senador ang nasangkot sa pork barrel scam. Sila ay sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada, at Juan Ponce Enrile.

  • Ginamit ni Bong Revilla ng 22 beses ang kanyang PDAF para sa mga ilegal na gawain. Nakapagnakaw s ng tinatayang P224.5milyon habang siya ay senador. Sumuko at nakulong siya noong 2014. Pagkalipas ng apat na taon, siya ay pinatawang walang sala sa kasong plunder, ngunit siya ay nahaharap pa rin sa 16 kaso ng graft at pinagbabalik ng P124.5milyon ng anti-graft court.

  • Ginamit ni Jinggoy Estrada ng 18 beses ang kanyang PDAF para sa mga ilegal na gawain. Nakapagnakaw siya ng tinatayang P183.8milyon habang siya ay senador. Siya ay inaresto at ikinulong noong 2014. Pagkalipas ng tatlong taon, nakalabas siya sa kulungan pagkatapos magbayad ng P1.33milyon na piyansa.

  • Ginamit ni Juan Ponce Enrile ng 21 beses ang kanyang PDAF para sa mga ilegal na gawain. Nakapagnakaw siya ng tinatayang P172.8milyon dahil dito. Noong 2014, siya ay ikinulong kaugnay sa kasong plunder at 15 kaso ng graft. Pagkatapos ng isang taon, siya ay nakalaya pagkatapos magbayad ng P1.45milyon na piyansa. Siya rin ay Marcos apologist na patuloy ang pagsisinungaling tungkol sa mga naganap noong Martial Law.

Hugpong

Noong Pebrero 20, 2019, ipinakilala ni Sara Duterte, mayor ng Davao City at anak ng Pangulong Rodrigo Duterte, ang 13 kandidatong bumubuo sa Hugpong ng Pagbabago. Kabilang dito sina Marcos, Revilla, at Estrada. Kasama din nila sina:

  • Sonny Angara

  • Pia Cayetano

  • Ronald "Bato" dela Rosa

  • JV Ejercito

  • Bong Go

  • Zajid "Dong" Mangudadatu

  • Jiggy Manicad

  • Koko Pimentel

  • Francis Tolentino

  • Cynthia Villar

Ang Hugpong ng Pagbabago slate ay ineendorso ng pangulo kahit na 13 ang kanilang miyembro at 12 lamang ang mahahalal sa pwesto. Hindi ba't nakakapagtaka na sobra ng isang kandidato ang kanilang slate? Isa pa, bakit Hugpong ng Pagbabago ang tawag sa kanila? Anong uri ng pagbabago ang gusto nilang gawin sa bansa? Hindi ba't sinusuportahan nila ang administrasyong Duterte? Kung totoong pagbabago ang nais nila, bakit hindi sila tumakbo sa partida ng oposisyon?


Kung kilala ninyo kami mula sa aming Instagram, alam ninyo na kami ay kritiko ng pamahalaang Duterte. Mula sa libo-libong extrajudicial killings nang dahil sa kanyang drug war hanggang sa hindi makabansang relasyon ng pamahalaang Duterte sa China, kanyang napatunayan na hindi mamamayan ng Pilipinas ang kanyang prayoridad.


Kaya kung sawa ka na rin sa panloloob ng China sa West Philippine Sea, sa kanyang "pagbibiro" tungkol sa r*pe at pagiging misogynist ng pangulo, at sa marami pang problemang kinakaharap ng Pilipinas nang dahil sa administrasyong Duterte, huwag ninyong hayaang malagay sa pwesto ang mga miyembro ng Hugpong.

Showbiz

Limang bagay lang ang kailangan para kumandidato sa pagka-senador: Ang kandidato ay dapat 1) isang natural-born citizen ng Pilipinas, 2) hindi bababa sa 35 taong gulang sa araw ng eleksyon, 3) may kakayahang magsulat at magbasa, 4) isang registered voter, at 5) nanirahan sa Pilipinas nang hindi bababa sa dalawang taon isang araw bago ang eleksyon.


Sa ibang salita, hindi kailangan ng college o law degree para maging senador sa Pilipinas. Hindi rin kailangan na ang isang kandidato ay naglingkod na dati sa pamahalaan.


Kaya naman maraming artista sa Pilipinas ang sumusubok sa politika. Ngayong #Halalan2019, may ilang kandidato sa pagka-senador ang galing sa showbiz, katulad na lang ni Freddie Aguilar.

Si Freddie Aguilar ay kilalang musikero na nagpasikat sa kantang Anak. Bukod sa kanyang kontribusyon sa musika, naging usap-usapan din siya matapos magpakasal sa isang 16 taong gulang noong 2013. Ngayon siya ay kumakandidato sa pagka-senador sa ilalim ng PDP-Laban, ang official political party ni pangulong Duterte. Inendorso din siya ng pangulo kahit na labis na ng isang kandidato ang Hugpong ng Pagbabago.


May karapatang tumakbo sa pagka-senador si Freddie Aguilar. Ngunit isipin natin: Siya ba ang pinaka-nararapat sa pwesto? May kakayahan ba siyang itaguyod ang bansa at gumawa ng mga batas na para sa ikakabuti ng mga mamamayang Pilipino?


Ito ang dalawang tanong na dapat nating isipin sa bawat kandidatong iboboto natin sa Lunes. Sana, sa pagsagot natin sa mga tanong na ito, mapagpatanto natin na ang mga kandidatong aming pinangalanan sa listahang ito ay hindi karapat-dapat na maging senador.


Sa pagboto natin ngayong Mayo 13, 2019, tandaan natin na dapat bayan muna bago ang sarili. Ang isang boto ay maaaring magdikta ng kinabuksan ng mahal nating bansa. Kung hindi tayo ang mag-aahon sa Pilipinas, sino?

136 views
  • Instagram
  • Twitter
  • Facebook
  • Spotify

© 2020 The Filipina Feminists